Dagupan City – Naghain na ng petition for certiorari laban sa Executive Order 62 ang grupong SINAG sa korte suprema kahapon sa (hulyo 4, 2024) na nagpapababa sa taripa ng agricultural products. Ang EO 62 ay ang pormal na pagtatapyas sa sinisingil na taripa sa imported na bigas mula sa dating 35% patungo sa 15% hanggang 2028.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Rosendo So, Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura, malinaw na walang nangyayaring pagbaba sa presyo ng mga bigas, baboy, mais, at manok.

Kung babalikan kasi aniya ang datos sa nakalipas na 3 taon kung saan ay ibinaba na nga ang taripa sa bansa, ay wala namang nangyari at naitalang pagbaba sa presyo ng mga ito sa merkado, bagkus ay tumataas pa ito.

--Ads--

Binigyang diin naman ni Engr. So, na mali ang nagiging stratehiya ng National Economic and Development Authority (NEDA), dahil mas tinututukan nila ang pagtaas ng mga ini-export na produkto kaysa sa pagpapalakas ng lokal na industriya sa bansa.

Dahil dito, patuloy rin ang nagiging pagtaas sa presyo ng mga bilihin, dala na rin sa kadahilanang mas itinataas din ng mga dayuhan ang kanilang exporting price.

Kaugnay nito, nang tanungin naman aniya ang NEDA ni Senator Imee Marcos hinggil sa paglalabas ng 15% tarriff rate, ay walang masagot ang mga ito.