BOMBO DAGUPAN — Talagang nakakapanlumo — ganito isinalarawan ni Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, ang P35 na umento sa sahod na inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) noong Hulyo 1.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, ang kanilang labis na pagkadismaya sa kakarampot na dagdag sahod ng mga manggagawa.

Aniya na ang umento sa sahod ay napakalayo sa una nilang ipinanukalang P150 na nagpapakita naman ng kawalan ng pagtugon sa pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino.

--Ads--

Paliwanag nito na bagamat may iba’t ibang criteria ang Wage Boards na tinitingnan na batayan sa pagtataas ng sahod, ikinalulungkot naman nila na tila naka-concentrate lamang sila sa tinatawag na “Capacity to Pay” ng mga employer.

Ito aniya ay sa kabila ng hindi nila pagtingin sa Capacity to Spend ng mga manggagawa sa kabila ng patuloy ng pagtaas sa presyo ng mga panunahing bilihin at serbisyo na dapat ay kanilang malayang natatamasa.

Pagdidiin ni Cainglet na ang hakbangin na ito ng Wage Board ay nagpapatibay sa desisyon ng kalakhang bilang ng mga manggagawa na wala na silang maasahan mula rito at kinakailangan ng dalhin sa Kamara ang hinaing na ito.

Saad pa nito na nauna lamang ang pagbibigay ng umento sa sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila dahil doon sumapit ang anibersaryo ng nakaraang Wage Order.

Susundan naman ito aniya ng pagtataas sa sahod sa ibang mga rehiyon, kaya naman ay lalo nilang pinapaigting ang pangangailangan na itaas ang sahod ng lahat ng mga manggawa sa bansa.