BOMBO DAGUPAN — Upang ibasura ang Executive Order No. 62.

Ito ang pangunahing dahilan ng pagsasampa ng ilang mga grupo ng mga magsasaka ng petisyon sa Korte Suprema laban sa naturang kautusan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, sinabi nito na maraming paglabag ang EO 62 sa batas.

--Ads--

Aniya na bago inilabas ang nasabing kautusan ay dapat na nagpatawag muna ang mga kinauukulan ng konsultasyon, lalong lalo na ang public hearing.

Maliban pa dito ay nilalabag din aniya ng EO na ito ang dalawang mahahalagang petisyon ng Saligang Batas na nakatutok sa kapakanan ng mga magsasaka.

Kabilang na nga rito ang proteksyon nila mula sa taripa ng imported na bigas.

Bukod naman sa kanilang grupo ay kaisa rin nila sa paghahain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa EO 62 ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa pangunguna ng Chairman nito na si Engr. Rosendo So, ex-Cong. Argel Joseph Cabatbat ng Magsasaka Partylist, at iba pang mga organisasyon at grupo.

Samantala, pagdidiin naman nito na matagal na nilang pinaplano ang pagpapataw ng kaso sa Korte Suprema simula pa noong lumabas ang balita na nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang EO 62.

Aniya na wala kasing maayos na pagpapaliwanag hinggil dito at sa halip ay kanilang giniit na ginagawa ang pagpapababa sa taripa ng imported na bigas bawat 5 taon.

Saad ni Montemayor na ang inihain nilang petisyon sa Korte Suprema ay naglalayong pigilan ang pag-iral ng naturang EO na manaig hanggang taong 2028.

Kaya naman umaasa sila na magbubunga ang kanilang aksyon ng positibong resulta para sa kagyat na pagbasura sa EO 62.