DAGUPAN CITY- Kinakaharap ngayon ng isang 20 taon gulang na babae ang batas matapos nitong pagbantaan ang nakaupong Barangay Kagawad sa Barangay Rizal, sa lungsod ng San Carlos.
Ayon kay PLt. MC Kinley Mendoza, Public Information Officer ng San Carlos PNP, kinilala ang suspek na si Geraldine Llorca, 20 taon gulang, residente ng parehong lugar.
Batay sa ginawang imbestigasyon, binantaan umano ng suspek na papatayin nito ang nakaalitang guro na si Pedro Peralta, 43 anyos, residente ng parehong lugar.
Dahil dito, pinatawag umano silang dalawa ng kasalukuyang Barangay Kagawad na si Mary Jenet Nitafan, 45 anyos, parehong residente ng parehong lugar, upang ipagharap at ayusin ang kaguluhan.
Subalit, hindi naman nakipag ayos ang suspek at binantaan din niya ang nasabing barangay kagawad.
Kaya hindi na umano nag atubili ang barangay kagawad na ilapit na ito sa kapulisan.
Sinang-ayunan din ng magulang ng suspek ang nasabing pag sampa ng kaso dahil hindi na umano nito kinakaya ang pag-uugali ng anak.
Samantala, kasalukuyang nakapiit sa San Carlos City Police Station at inihahanda ang kasong paglabag sa Grave Threats and Resistance Disobedience to a Person in Authority laban kay Llorca.