BOMBO DAGUPAN – Muling nanindigan si Pangasinan Governor Ramon ‘Monmon’ Guico III, na ang Brgy. Malico, San Nicolas ay bahagi ng probinsiya.

Ginawa ang pahayag ng gobernador sa isinagawang Lingap Ed Barangay, Local Initiatives Guidance and Assistance Program ng Pamahalaang Panlalawigan sa Malico Elementary School, San Nicolas.

Ayon kay Gov. Guico, nagiging agresibo na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya sa pag-claim sa Brgy. Malico bilang kanilang teritoryo sa paglalagay ng mga istruktura habang pinipigilan naman nila ang mga proyekto ng LGU San Nicolas at Pangasinan sa naturang lugar.

--Ads--

Dagdag pa nito, may mga dokumento na nagpapatunay na ang brgy. Malico ay nasasakupan ng bayan ng San Nicolas at ng lalawigan ng Pangasinan.

Binanggit din ng gobernador na maglalaan ang Pamahalaang Panlalawigan ng P200 million na pondo para sa social and development project ng nasabing barangay.

Tila hinamon pa nito ang LGU Nueva Vizcaya na kung tatapatan ang P200 Million na pondo ng LGU Pangasinan ay hindi ito mag aatubili na dagdagan pa ng karagdagang P200 million ulit para maipakita ang commitment ng probinsiya na bahagi ng Pangasinan ang brgy. Malico.

Aniya, magpapatayo rin sa lugar ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO, maglalagay ng dumptruck at ambulansiya, at magtatalaga ng tropa ng kapulisan.

Binigyang diin pa ni Gov. Guico na bukas naman ito sa mga nagnanais na magpatayo ng proyekto o negosyo sa lugar basta pakinabangan ng mga residente sa lugar.

Matatandaan na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan at Nueva Vizcaya ay matagal ng may boundary dispute sa brgy. Malico.

Ang brgy. Malico ay idineklara noong nakaraang taon bilang Barangay Summer Capital of Pangasinan ng Sangguniang Panlalawigan dahil sa malamig na klima. Mas mataas pa ito na may elevetion na 1,675 masl habang ang Baguio City ay may 1,470 masl na tinaguriang Summer Capital of the Philippines.