DNIPRO, Dnipropetrovsk Oblast, Ukraine — Hindi bababa sa limang katao ang nasawi matapos ang drone at missile strike ng Russia sa central Ukrainian city ng Dnipro.

Aabot naman sa 53 iba pa ang sugatan sa nangyaring pagatake, ayon kay regional Governor Serhuu Lysak. Sinabi ng mga kinauukulan na maraming mga establisyimento, mga paaralan, at pagamutan ang nasira bunsod ng mga pambobomba.

Isinalarawan pa ni Governor Lysak ang pagatake bilang kahindik-hindik.

--Ads--

Kinondena naman ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang naturang pagatake at muling idiniin ang kanyang apela sa kanilang Western allies na magbigay ng suplay sa kanyang gobyerno upang matulungan silang mapatatag ang kanilang air defence systems.

Ang Dnipro, isang lungsod sa Ukraine na may pre-war population na aabot sa humigit kumulang kalahating milyong mga residente, ay madalas na naging target ng Russian attacks simula nang unang sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng dalawang bansa mahigit dalawang taon na ang nakalilipas.

Noong nakaraang taon, magugunita na aabot sa 40 na indibidwal ang nasawi matapos na tumama ang isang Russian missile sa isang residential apartment building sa kaparehong lungsod.

Sinabi naman ng air force ng Ukraine na napabagsak nito ang anim na drones, at lima mula sa pitong missiles na pinalipad patungo sa bansa nitong Miyerkules.

Kabilang naman sa mga sugatan ang isang 14-anyos na dalagita, habang apat na iba pa sa kabuuang bilang na ito ang nasa kritikal na kondisyon at patuloy na ginagamot sa ospital.

Nagpahayag din naman ng pagkondena ang regional council head na si Mykola Lukashuk sa pagatake na tinawag nitong “mapangutyang pagsisindak” ng Russian forces.

Samantala, nagtakda na rin naman ng opisyal na araw ng pagluluksa ang mga opisyal ng lungsod.