THE CARIBBEANS — Hindi bababa sa 7 katao ang naipaulat na nasawi sa paghagupit ng Category 5 Storm Hurricane Beryl sa Grenada, Venezuela, at St. Vincent and the Grenadines.

Kasalukuyang kumikilos ang Hurricane Beryl patungong Jamaica na inaasahang magdadala ng mapanganib na mga hangin at pag-ulan.

Bagamat humina na sa Category 4, nagbabala pa rin ang US National Hurricane Center ng ‘life-threatening’ na storm surge sa Jamaica at sa Cayman Islands sa mga susunod na araw.

--Ads--

Inaasahan na aabot sa bilis na 250km/h ang hangin at kasing taas naman ng 2.4 metres ang dalang storm surge ng mapaminsalang bagyo.

Ang Hurricane Beryl ang kauna-unagang bagyo na itinaas sa Category 5 hurricane sa buong Atlantic noong Lunes bago ito humina.

Naitala ang pinakamalakas nitong taglay na hangin na umabot sa 270km/h.

Inihayag ng Prime Minister ng Grenada, kung saan nag-landfall ang bagyo noong Lunes, na malawak ang iniwang pinsala ng Hurricane Beryl na sumira sa maraming mga kabahayan, mga telcos, at fuel facilities sa Carriacou Island.

Ibinahagi naman ni Venezuelan President Nicolas Maduro na isa sa mga sugatan sa pananalasa ng Hurricane Beryl sa north-eastern state ng Sucre ang kanyang Bise Presidente na si Delcy Rodriguez.