BOMBO DAGUPAN – Inaabangan pa kung kailan isasagawa ang Preliminary Investigation sa kasong inihain ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) laban kay suspended Bamban Mayor Alice Guo.
Kaugnay ito sa reklamong human trafficking laban sa alkalde dahil sa koneksyon sa sinalakay na POGO sa Bamban, Tarlac na inihain noong June 21.
Ayon kay Prosecutor Darwin Cañete, ang investigating prosecutor ang magpapadala ng subpoena kay Guo at magtatakda ng petsa ng gagawing pagdinig.
Kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act ang inihain laban kay Guo na tinukoy din bilang Guo Hua Ping, dating Technology and Livelihood Resource Center deputy director general Dennis Cunanan, labingdalawa (12) pang opisyal at incorporator ng tatlong kompanya at tatlong umano’y business partners ni Guo.
Una nang sinabi ng DOJ na hindi makakaapekto sa kaso laban kay Guo ang nabunyag na fake identity nito matapos magtugma ang kaniyang fingerprint kay Guo Hua Ping.
Sa ngayon, malabo pang ma-deport ang alkalde lalo’t nahaharap pa ito sa mga kasong kriminal dito sa Pilipinas.