DAGUPAN CITY, Pangasinan — Muling nagpaaalala ang Social Security System (SSS) sa mga employer ng kanilang responsibilidad partikular sa pangangasiwa sa kapakanan ng kanilang mga manggagawa.
Ito ay kasabay ng pagsasagawa nila ng Run After Contribution Evaders (RACE), ay mahalaga na muling maipaalala nila sa mga employer ang kanilang obligasyon sa gobyerno.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jocelyn Lim, Assistant Branch Head ng SSS Dagupan, sinabi nito na ang pinakahuling RACE na kanilang ginawa ay sa bayan ng San Fabian kung saan ay binisita nila ang nasa labing-dalawang mga employer.
Aniya na 9 sa kabuuang bilang na ito ay nakitaan nila ng ‘non-registration’ na nangangahulugang hindi pa sila nagpaparehistro ng kanilang negosyo sa SSS.
Samantalang ang natitirang tatlo ay nakitaan naman ng ‘non-remmitance’ na ibig-sabihin naman ay hindi sila nagbabayad ng mga kontribusyon ng kani-kanilang mga manggagawa.
Saad nito na humahantong ang isang negosyo sa RACE kung walang natatanggap na compliance ang SSS mula sa mga ito.
Kaugnay nito ay umaasa naman si Lim na ang mga nasasangkot na negosyo ay susunod na sa kanilang mandato at sa tungkulin na ibinaba sa kanila.