BOMBO DAGUPAN -Itinanggi ng Philippine Coast Guard na tinulungan ng mga tauhan ng China Coast Guard ang mga nasugatang mangingisdang Pilipino matapos sumabog ang makina ng kanilang bangka habang nasa Bajo de Masinloc.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, natagalan silang makarating sa lugar na kinaroroonan ng mga mangingisdang Pilipino dahil hinarang, hinarass at nagsagawa pa ng mapanganib na maniobra ang CCG at iba pang maritime militia boats laban sa Philippine Coast Guard vessel na BRP Sindangan habang papalapit sa Bajo de Masinloc.
Nagbabala pa aniya ang CCG na aarestuhin nila ang mga mangingisdang Pilipino kapag hindi sila nakipagtulungan.
Sa kabila naman nito, nagawa ng PCG na makapagmaniobra palayo sa rigid hull inflatable boats ng China at matagumpay na nailipat ang mga nasugatang mangingisda sa BRP Sindangan para agarang malapatan ng first aid.
Ginawa ng PCG official ang paglilinaw matapos na maglabas ng video ang Chinese state media na Global times na nagpapakita na nag-isyu umano ang CCG ng radio message na nagsasabing nagsagawa ito ng isang rescue operation.
Ipinapakita din nito na nagdeploy ang CCG ng mga inflatable boats, nagbigay ng lifebouys at life jackets sa mga mangingisdang lulan ng lumulubog na Filipino boat at tinulungan umano ang mangingisdang Pilipino.
Maririnig naman ang panig ng PH na nagpaabot umano ng radio message na nagpapasalamat sa kooperasyon ng CCG vessel 3105.
Una na ding inamin ni PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na nag-alok ng tulong ang CCG subalit hindi umano pumayag ang mga mangingisdang Pilipino dahil parating na din ang PCG.
Subalit sinabi ni Comm. Tarriela na nahirapan ang Chinese state media sa pagkakataong ito sa pag-edit ng kanilang videos. Tinawag din kasinungalingan ng ang inupload na video. Isa aniya sa patunay na sila ang sumagip sa mangingisdang nasugatan ay ang mga larawan na sa nasa barko ng PCG ang mga ito at hindi sa CCG.
Samantala, kasalukuyan ng nagpapagaling sa ospital ang 2 Pilipinong mangingisda na nagtamo ng second degree burn dahil sa insidente.