BOMBO DAGUPAN- Mag-aalis sa pagiging 3rd world country ng Pilipinas ang likas na yaman sa West Philipine Sea
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Andy Hicap, Chairperson ng Pamalakay, Pilipinas dapat ang makinabang sa mga natural resources na nakukuha sa West Philippine Sea partikular na’t dumadami na ang populasyon sa bansa.
Kaya kinokondena aniya nila ang mga aktibidad ng China dahil wala silang karapatan na ipagpatuloy ang kanilang iligal na gawain sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Wala umano silang karapatan na angkinin ang mga nasabing likas na yaman habang ginagamitan ng mararahas na aksyon upang itaboy ang mangingisdang Pilipino.
Aniya, hindi na dapat ipilit pa ng China ang kanilang 9 dash line dahil natuldukan na ito sa Arbitral Ruling noong 2016, kaya dapat respetuhin nila ang international law, maging ang tradisyunal na pangingisda ng ating bansa.
Gayunpaman, hindi man nila kinikilala ang mga claims ng China, hindi pa rin nawawala ang pangamba ng mga lokal na mangingisda.
Subalit, patuloy pa rin aniyang nilulunok ng mga mangingisda ang takot magkaroon lamang ng hanapbuhay.
Wala na rin aniyang halos mahuli ang mga mangingisda kung mamamalaot lamang sila sa malapit.
Hindi rin aniya kase sapat na umasa lamang ang mga ito sa maliit na tulong ng gobyerno. Kaya tanging pagkakaroon ng malayang pangingisda ang maitutulong ng gobyerno sa kanilang hanapbuhay.
Tuloy-tuloy ang pagkondena at pangangampanya ng Pamalakaya sa hindi makataong aktibidad ng China sa teritoryo ng Pilipinas.
Hindi aniya sila tumitigil sa pagtutok sa mga pangyayari dahil hindi nagbibigay ng solusyon ang pamamaraan ng China.
Gayunpaman, ang hindi nanaising paghaharap ay magdudulot lamang ng pagkawala para sa dalawang bansa.
Giit din ni Hicap na hindi naging solusyon ang Balikatan Exercises kundi pinalala lamang nito ang sigalot sa karagatan.
Kaya nananawagan ang kanilang samahan na solusyonan ito sa mapayapang pamamaraan at ipakita sa China na hindi dapat binibitawan ang International Law, partikular na ang pagkilala ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa territorial water ng bansa.
Sa ngayon, hanggang wala pang mapayapang usapan at umaasa silang mauulit lamang ang pagbabanta ng China sa Pilipinas.
Bukod diyan, nakukulangan pa si Hicap sa ipinapakita ng Administrasyong Marcos sa pagreresolba ng suliranin, bagkus, lumalala lamang.