BOMBO DAGUPAN- Nananatili umano ang agam-agam ng mga maliliit na sugar producers sa bansa kaugnay sa pagpasok ng mga imported na produkto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay John Milton Lozande, Secretary General ng National Federation of Sugar Workers, mawawala na umano ang buffer stock ng asukal sa buwan ng Oktubre kaya napag desisyunan umano ng Department of Agriculture na umangkat ng 200-thousand metric tons ngayon taon.

Kaya dapat magpalabas ng eksaktong bilang ng kakulangan sa annual consumption ng bansa upang mapanatili ang return of investment ng mga maliliit na sugar producers.

--Ads--

Nitong huling mga buwan, umabot lang kase sa hindi bababa sa P2,500 ang 50kg na farm gate price, kung saan malayo umano sa 2022-2023 crop year.

Pinapadali umano ng Sugar Order no.2 ang pasok ng mga imported sugar sa bansa kaya maaaring magkaroon ng pang-abuso sa pagpasok ng mga ito higit pa sa kinakailangan. Kaya nagdudulot din ito ng kanilang problema sa farm gate price.

Sa tingin naman ni Lozande kaugnay sa Short Term solution sa supply, dapat nasa 150,000 hanggang 200,000 lamang ang ipasok sa bansa.

Kaugnay nito, nais ni Lozande na maging affordable din ang presyo ng mga asukal sa merkado. Hindi dapat lalagpas sa P85 sa refined sugar at P75 naman sa raw sugar.

Mababa kase ang presyo sa milled-gate price ngunit hindi naman ito nakikitang nagrereflect sa mga pamilihan.

Gayunpaman, papayagan pa din ang mga prequalified retailers na umangkat base sa 200-thousand metric tons. Aaprubahan na din kase ng Department of Agriculture ang Sugar Order para sa taong 2024-2025.

Sa kabilang dako, pinapangambahan naman ni Lozande ang mga katiwalian umano sa Bureau of Customs kaya nagkakaroon ng pang-aabuso sa pagpasok ng mga imported na produkto.

Dinagdag pa niya, ang problema din sa kakulangan ng production output ay dulot ng taon-taong pag aangkat subalit hindi naman aniya pinag uusapan ang pagpapabuti ng lokal na produksyon dahil sa kakulangan din ng suporta mula sa gobyerno.

Dahil dito, umaabot lang sa average ang capacity ng asukal sa bansa, mababa kung ikukumpara sa ibang mga bansa.