BOMBO DAGUPAN -Nasa political crisis ngayon ang Kenya na isa sa umanoy dati ay matatag at masaganang bansa sa Silangang Africa.
Ayon kay Lucio Blanco Pitlo III – Foreign Affairs and Security Analyst, Research Fellow, Asia-Pacific Pathways to Progress Foundation, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, nakakalungkot aniya na makita ang kalagayan ng bansa ngayon dahil sa nagpapatuloy na protesta doon kahit na binawi na ni President William Ruto ang panukalang batas na dagdag buwis sa mga bilihin.
Ilang daang mga protesters ang nagtutungo sa mga kalsada at ipinapanawagan ang pagbaba sa puwesto ng kanlang pangulo.
Kasunod ito ng mga insidente ng karahasan kung saan nasa mahigit 20 katao ang nasawi.
Hindi lang sa Nairobi, nagkakaroon na rin ng malawakang protesta sa ibang bahagi ng bansa kung saan ay ipinananawagan ang hustisya ng mga nasawi.
Pinapayuhan ng mga otoridad ang kanilang mamamayan na iwasan na magtungo sa mgamatataong lugar at mga lugar na pinagdarausan ng protesta upang maiwasan na madamay sa gulo.
Samantala, inaasahan ng international community na magkaroon ng political settlement sa nasabing bansa.