BOMBO DAGUPAN — Hindi nakukuntento ang ilang grupo sa sektor ng agrikultura sa ginawang pagsasampol at paglalagay sa blacklist ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. sa ilang mga importer na sangkot sa agricultural smuggling.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ariel Casilao, Vice Chairperson ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, sinabi nito na umaasa sila ng mas mabigat na kaparusahan ng kagawaran sa mga ito.
Aniya na kung sa tutuusin ay mayroong sapat na datos at impormasyon ang mga kinauukulan upang bumuo at magsampa ng kaso laban sa mga ito.
Saad nito na hindi kasi sapat ang blacklist dahil maaari pa rin na gumamit ang mga sangkot dito ng dummy company na mamanipulahin pa rin nila para ipagpatuloy ang smuggling.
Pagdidiin nito na ang hakbanging ito mula sa Kalihim ng Agrikultura ay nagkukulang at sa halip ay dapat tuluyang maglulumpo sa mga mapagsamantalang importer at negosyante.
Maliban dito ay umaasa sila na pangungunahan mismo ni DA Sec. Tiu-Laurel ang pagpapasa ng pag-amyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act partikular na sa pagpapababa ng volume ng ikinokonsidera bilang smuggling upang mas mahigpitan din ang mga ipapataw na parusa at mas mabilis na mahuli ang mga smuggler.