BOMBO DAGUPAN- Malaking kahalagahan sa pamamalakad ng sistema ng hustisya sa bansa ang acquital ni dating sen. Leila De Lima mula sa drug cases nito.

Ito ang naging pahayag ni Atty. Sonny Matula, President ng Federation of Free Workers, sa Bombo Radyo Dagupan, dahil hindi umano kapani-paniwala ang isinampang kaso sa dating senador noong Administrasyong Duterte.

Kaugnay nito, maituturing aniya itong “retaliatory attack” laban kay De Lima dahil sa pag iimbestiga nito sa nangyayaring patayan sa Davao noong hindi pa presidente si dating Presidente Rodrigo Duterte.

--Ads--

Kaya pinapaniwalaan ni Matula na pagpapatahimik sa dating senadora ang pagpapakulong sa kaniya, kung saan inabot naman ito ng higit 6 na taon.

Gayunpaman, wala din naman umano talagang malinaw na ebidensya ang naipakita ng prosecution sa korte kaugnay sa mga drug-related cases laban sa senadora. Kaya naging oportunidad ito sa kampo ni De Lima upang mag-file ng demurrer to evidence, kung saan sinang-ayunan ito ni Branch 206 Presiding Judge Gener Gito.

At dahil dito, hindi umano titigil si De Lima sa pagtulong sa mga pamilya ng mga nabiktima ng Extra-Judicial Killing.