BOMBO DAGUPAN — Ibinahagi ng isang mangingisda na lalo pang papalapit sa pampang sa kanilang lugar ang mga barko ng China.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Cuaresma, President ng New Masinloc Fisherman’s Association, sinabi nito na kung kamakailan ay umaaligid lamang sila, ngayon ay nasa 20 milyang layo na lamang sila mula sa kanilang lugar.

Aniya na kasabay nito ay ang lumulubhang pangamba ng mga mangingisda na pumalaot para ipagpatuloy ang kanilang paghahanapbuhay.

--Ads--

Saad nito na panibago sa kanilang paningin ang carrier vessel ng China kumpara sa mga una nilang namataan. Ito naman aniya ay naguudyok ng takot sa kanila dahil sa namataan nilang barkong pandigma ng China.

Dagdag pa nito na ang mga kasamahan naman nila na nangingisda sa Scarborough Shoal ay tukuyan nang tumigil sa pangingisda dahil hindi na sila makapasok o makalapit man lang sa Bajo de Masinloc sa Zambales kahit anong gawin nila.

Ani Cuaresma na ang nakakapangisda na lamang sa kanilang mga kasamahan ay ang mga commercial fishing vessel.

Ngunit ang lubos nilang ikinatatakot ay ang posibilidad na totohanin ng China ang kanilang pagbabanta sa panghuhuli ng mga mangingisda sa gitna ng idineklara nilang No Trespassing Policy.

Kaya naman pinapayuhan nila ang kanilang mga kasamahan na huwag na lamang nilang tangkain na pumalaot ng mag-isa upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari.

Samantala, sinabi nito na sa kasalukuyan ay wala pang naibibigay na tulong ang Coast Guard sa mga kasamahan nilang mangingisda, subalit mayroon naman ng opisyal na nagtungo umano sa kanilang lugar upang tanungin kung anong tulong ang maaaring maibigay sa kanila.

Umaasa naman ang mga ito na isa sa mga tulong na maibibigay sa kanila ay ang mas malalaking mga bangka na maaari nilang magamit sa pangingisda sa mas malayong lugar kung saan ay makakaiwas sila sa presensya ng mga Chinese vessel.