BOMBO DAGUPAN — Umaasa ang isang Political Analyst na papatatagin pa ng Pilipinas ang relasyon nito sa mga kaalyado nitong bansa at gayon na rin ang paglulunsad ng mas agresibo na pagtugon sa panghaharas ng China.

Ito ang iginiit ni Prof. Mark Anthony Baliton sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan kaugnay sa pinakahuling karahasan ng China sa West Philippine Sea.

Saad pa nito na mainam din kung magsasagawa ang bansa ng karagdagang mga hakbangin sa West Philippine Sea sa pakikipagtulungan ng mga barko ng Estados Unidos upang igiit ang kapangyarihan nito sa nasabing karagatan.

--Ads--

Aniya na wala namang masama kung magpapakita ang Pilipinas ng matatag na pagdepensa sa teritoryo nito kasama ang mga kaalyadong bansa.

Hindi rin kasi ani Prof. Baliton na maaaring makialam ang Estados Unidos hangga’t hindi nagpapakita ang China ng aktwal na agresyon o pagsisimula ng giyera sa West Philippine Sea.

Samantala, tama rin naman aniya ang naging desisyon ni Pang. Marcos na hindi dapat inaanunsyo ang RoRe missions ng bansa nang sa gayon ay hindi ito mapaghandaan ng China.

Pagdidiin pa nito na dapat pinakikita rin ng mga Pilipino ang pagkadismaya nila sa mga nangyayari sa WPS bunsod ng panghaharas ng China. Aniya na kahit ano pa man ang political affiliation ng bawat isa ay dapat na nagkakaisa ang mamamayang Pilipino sa pagtatanggol sa teritoryo ng bansa.