BOMBO DAGUPAN — “Hindi na sila nahiya sa pagatake sa mga tripulante ng bansa.”

Ito ang naging sentimyento ni Atty. Michael Henry Yusingco, isang Political Analyst, kaugnay sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na kitang-kita na lalo pang lumalala ang tensyon at mga nangyayaring karahasan sa pinagtatalunang karagatan. Aniya na ito ay isang hindi magandang pangitain at isang senyales na maaari pang tumindi ang mga pangyayari.

--Ads--

Saad nito na bagamat hindi pa nito masasabi na nasa bingit na ng giyera ang bansa, may mga eksperto naman ang nagsasabi na malayong mangyari pa ang armadong engkwento sa pagitan ng dalawang bansa. Gayunpaman, nakatitiyak ito at dapat asahan ang mas lalo pang pagtindi ng karahasan ng China sa Pilipinas sa pinagaagawang teritoryo.

Base rito, hindi pa aniya ganap na maituturing ang pinakahuling pagatake ng China sa WPS bilang isang “armed conflict”.

Paliwanag nito na ang diplomatic measure ay ginagawa mayroon mang epekto o wala ang mga karahasan na nararanasan ng mga Pilipino sa teritoryo ng bansa. Ani Atty. Yusingco na kinakailangan lamang na alisin ng publiko ang mga tanong at pag-iisip kung epektibo ang pamamaraan ng pamahalaan kaugnay sa nasabing usapin.

Kaugnay nito, inihayag ng Political Analyst na ang hamon ngayon sa bansa ay ang pagkakaroon ng self-reflection patungkol sa pinakahuling insidente sa WPS.

Aniya na nararapat nang paigtingin ng bansa ang pagtugon nito sa mga ganitong uri ng insidente sa karagatan ng bansa.

Samantala, pagdating naman sa paggamit ng Mutual Defense Treaty bilang tugon laban sa China, idiniin nito na desisyon pa rin ito ni Pangulong Ferdinand Marcos. Ito naman aniya ay partikular sa naging pahayag ng Punong Ehekutibo na ituturing bilang “Act of War” sa oras na may masawi na Pilipino sa karahasan ng China sa nasabing karagatan.

Naniniwala naman ito na nasa tamang landas ang polisiya ng Pangulo sa West Philippine Sea sa paggamit ng diplomatikong pamamaraan sa pagtatanggol sa sariling teritoryo ng bansa.

Samantala, sinabi nito na labis naman ang kaibahan ng polisiya ng nakaraang administrasyon sa kasalukuyan.

Saad nito na noong panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nakaangkla ang bansa sa Appeasement Policy kung saan ay pinakita nito na pumapanig ito sa lahat ng kagustuhan ng China.

Habang sa kasalukuyang administrasyon naman ay nakatuon sa polisiyang naglalayong mapalakas ang relasyon nito sa Estados Unidos at gayon na rin sa ASEAN Centrality.