BOMBO DAGUPAN – “Paghingi ng restraining order at pagsasampa ng kaso sa ombudsman.”

Ilan lamang yan sa mga hakbang na isinagawa ng Federation of Free Farmers kasama ang iba pang grupo kaugnay sa hindi pagsunod sa batas ng National Economic and Development Authority (NEDA) at tariff commission bago magbaba ng taripa sa iba’t ibang produktong agrikultural.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Raul Montemayor, National Manager, Federation of Free Farmers na magdudulot ito ng malaking pinsala sa pagsasaka dahil bababa din ang presyo ng mga lokal na produktong agrikultura.

--Ads--

Aniya na kapag binaba ang taripa ng mga imported na bigas ay automatikong ang mga trader na bibili sa mga lokal na palay mula sa ating mga magsasaka ay bababa rin, upang mapantayan ang presyo ng mga imported na bigas.

Kaugnay nito ay wala na ding limit ang maaring ipasok na bilang nga mga imported na bigas sa bansa kayat tayo ay malulunod sa importasyon na nangangahulugang kapag padami ng padami ang imported pakonti naman ng pakonti ang lokal na produksyon.

Dagdag pa niya na sana ay nasunod ang tamang proseso gaya na lamang ng pagsasagawa ng konsultasyon bago tuluyang binaba ang taripa sa bigas.

Dahil kung trial and error lamang ito aniya ay bakit kailangang pag ekspirementuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka.