BOMBO DAGUPAN – “Maaring kasuhan ng piracy.”
Yan ang ibinahagi ni Atty. Joey Tamayo, Resource Person Duralex Sedlex sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan kaugnay sa engkwentrong naganap kamakailan sa mga hukbong dagat ng bansa at China Coast Guard malapit sa ayungin shoal.
Dito ay ipinaliwag niya na ang pagbasag at pagbutas sa mga vessels ng ating mga navy kabilang na ang napaulat na sundalo nating nasaktan ay maituturing na paglabag sa nasabing batas.
Maaaring umabot sa 12 years hanggang 20 years na pagkakakulong ang maaaring ipataw sa sinuman na mapatunayang nagkasala o lumabag dito.
Applicable din aniya ang Presidential Decree no. 532 o ang tinatawag na “Anti-Piracy and Anti-Robbery Law of 1974” kung saan maaari namang makulong ng pang habangbuhay ang lalabag dito, kapag nagtamo ng physical injury ang mga sangkot gaya na lamang ng isa nating sundalo na naputulan ng daliri sa nasabing engkwentro.
Samantala, mainam naman daw ang naging diskarte ng pamunuan na pagdown play muna sa sitwasyon para hindi mag-escalate ang tensiyon sa pagitan ng dalawang panig.
Maaari din aniya na mag-usap ng maganda at palamigin muna ang sitwasyon ng sa ganon ay hindi umabot sa giyera o hindi magandang ang kahahantungan ng pangyayari.
Kung ayaw naman pakinggan aniya ng China ang ating panig ay maaaring iparating ito sa United Nation (UN) para malaman at mapagtanto nila ang ating pinagdadaanan mismo sa ating nasasakupang karagatan.