DAGUPAN CITY — Kinumpirma ng isang mangingisda mula sa Brgy. Cato sa Infanta na Chinese Vessel ang kanilang nakita sa bahagi ng baybayin ng bayan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Allan Bantolingan, residente ng nasabing lugar, sinabi nito na walang duda na isang barko ng China ang kanilang namataan sa karagatan kung saan sila nangingisda.

Aniya na hindi ito ang una nilang karanasan dito dahil noong nakaraang taon nang nagtutungo pa sila sa Scarborough, o kilala sa mga mangingisda bilang Kalburo Shoal ay talaga aniyang pinapalayas sila ng mga tripulanteng Tsino.

--Ads--

Ngunit kung dati ay nakakalapit at nakakapasok pa ang ilan sa kanilang mga kasamahan, ngayon ay nasa layong 100 milya pa lamang sila ay hinaharang na sila ng mga Chinese vessel at kung nagpilit pa ang mga ito na makapasok sa Kalburo Shoal ay binobombahan na sila ng mga water cannon.

Saad nito na labis ang kanilang nararamdaman na takot na pumalaot ngayon lalo na kung naabutan sila ng masamang panahon.

Aniya na sa halip na magtungo sila sa Kalburo Shoal upang makatipid ng krudo ay napipilitan sila na umuwi na lamang pabalik ng kanilang barangay.

Dagdag pa nito na bagamat may mga nahuhuli pa rin silang mga isda, isa naman sa kanilang alalahanin ang maabutan ng ulan sa gitna ng karagatan.

Samantala, ibinahagi naman ni Infanta Mayor Marvin Martinez na pagdating sa kaligtasan ng mga mangingisda ay nakatutok sila sa banta ng sama ng panahon.

Sa kaugnay na panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na madalas napapahamak ang mga mangingisda kung may sama ng panahon.

Aniya na batay naman sa kanilang mga datos ay nakasanayan na talaga ng mga mangingisda ng kanilang bayan na mangisda sa bahagi ng Bajo de Masinloc.

Sa kabilang dako, iginiit naman ni Coast Guard Lt. Junior Grade John Louis Sibayan, Station Commander ng Coast Guard Station-Pangasinan na 24/7 naman ang kanilang ginagawang monitoring sa karagatan ng bayan.

Aniya na may mga report na rin silang natatanggap kaugnay sa mga namataang Chinese vessels at ang ginagawang karahasan ng mga tripulanteng Tsino sa mga mangingisda.

Gayunpaman, ay patuloy nilang bineberipika ang mga nasabing ulat habang patuloy naman ang kanilang monitoring sa mga kalagayan ng mga mangingisda sa kanilang bayan.