DAGUPAN CITY- Resulta umano ng isang away politika ang pagbitiw ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng kagawaran ng edukasyon.
Iginiit ni Arlene James Pagaduan, Presidente ng ASSERT Central Luzon, sa kaniyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, hindi dapat naaapektuhan ang bawat kagawaran, partikular na sa edukasyon, sa mga pangyayari sa larangan ng politika.
Aniya, hindi dapat nadadamay sa away ng mga malalaking apleyido sa politika ang edukasyon ng bansa.
Gayunpaman, kinilala niya ang pagbigay pansin ni VP Duterte sa nararapat na bakasyon ng mga guro sa tuwing pagtatapos ng school year.
Subalit, saad din ni Pagaduan na simula’t sapul ay alam na nilang sa simula lamang ang Matatag Curriculum dahil pabago-bago ang kinakaharap na kurikulum ng mga guro sa tuwing nagbabago ang pamahalaan.
Madami pa umano silang inaasahan na pangakong tutuparin nito na kanilang nabanggit noong panahon ng kampanya, kabilang na dito ang pagtanggal sa mga non-essential work loads.
Samantala, sinabi naman ni Pagaduan, dapat lamang na nagmumula sa hanay ng edukasyon at nauunawaan ang totoong lagay ng sistema ng edukasyon sa bansa ang susunod na uupo bilang kalihim ng Department of Education.
Importante aniya na may tunay itong malasakit upang matiyak ang magandang serbisyo sa nasabing sektor.
Hindi na aniya kailangan ang pagsugar-coat sa nararanasang suliranin sa edukasyon, bagkus, dapat nakikita nito ang tunay na problema.
Kaugany nito, hiniling niya na maibalik na ang kakayahan ng mga guro na madisiplina ang mga estudyante.