BOMBO DAGUPAN – Tinawag ni Lingayen- Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang China bilang isang “banta” sa soberanya ng Pilipinas, na binanggit ang “mapanirang pagtatangka” nito na “yurakan” ang baybayin ng Pilipinas.

Sa kanyang pastoral letter na binasa ni Rev. Msgr. Manuel Bravo Jr. nakasaad doon na may katibayan ng mapanlinlang na mga pagtatangka ng isang dayuhang kapangyarihan na namamahala sa pamamagitan ng isang ideolohiyang hindi kumikilala sa Diyos at pinananatili ang lahat ng relihiyon at ang pagsasagawa ng pananampalataya sa ilalim ng “totalitarian boot” nito upang yurakan ang ang baybayin.

Binanggit ni Villegas ang “provocative actions” ng China laban sa barko ng Philippine Coast Guard lalo na sa Escoda Shoal.

--Ads--

Ayon pa kay Villegas, mayroong “moral issue” na sangkot sa aksyon ng Tsina tungkol sa mga interes ng mga Pilipino sa pag-secure ng kanilang kinabuksan sa pamamagitan ng mga resources.

Gayundin umano ang “moral issue” ng pangangailangang itaguyod ang karapatan ng bansa at maging ang karapatang maprotektahan mula sa pagsalakay ng mga ahente ng isang “atheistic ideology.”

Samantala, inimbitahan ni Villegas ang publiko na makibahagi sa Rosary campaign mula Hunyo 27 hanggang sa Solemnity of the Assumption sa Agosto 15.

Hinimok pa ni Villegas ang mga mababatas na manatiling determinado sa kanilang mga pagsisiyasat, partikular sa paksa ng mga Chinese Infiltrators.

Sinabi niya sa prosecutors at mga hukom na maging tapat sa kanilang mga panunumpa sa panunungkulan bilang mga tagapangasiwa ng hustisya.

Umaasa rin ang Arsobispo na makakatanggap ng suporta mula sa pamahalaan ang mga uniformed personnel na nagpapatrolya sa pinag-aawayang karagatan.