BOMBO DAGUPAN- Namamayani na ang takot sa mga mangingisda ng Pilipinas matapos lalo umanong tumitindi ang panghaharass ng China sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pablo Rosales, National Chairperson ng Pangisda Pilipinas, patuloy man nagbabantay ang Philippine Coast Guard sa teritoryo ng bansa ngunit hindi naman aniya mawawala ang pangamba na kanilang nararamdaman.
Aniya, seguridad para sa kanilang hanay ang kanilang hinihiling sa pamahalaan dahil sa takot na maaaring sila din umano ang mabiktima ng China.
Sa halip na mamalaot sa WPS, nagtatayo na lamang ng payao ang mga mangingisda sa malapit upang magkaroon pa din ng hanap-buhay at makaiwas sa tensyon. Subalit, wala naman umanong katiyakang may mahuhuli sa nasabing peace aggregating device.
Mayroon din aniyang tumigil na lamang sa pangingisda at naghanap na ng ibang pagkakakitaan.
Sa tingin kase ni Rosales, nakikita ng China na ang lantaran na pagsali ng Pilipinas sa Balikatan Exercises sa Estados Unidos at pagpapalawak ng hukbong sandatahan sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement ay paghahanda ng bansa sa pakikipagdigmaan.
Gayunpaman, nakakabahala ito dahil kung tutuusin ay hindi kakayanin ng Pilipinas na paatrasin ang China. At ginagawa lamang ang mga nasabing aktibidad para lamang sa interes ng Estados Unidos.
Aniya, kailangan ng bihasang tactician upang mabigyan ng lunas ang lumalalang tensyon at maiwasan ang madugong digmaan.
Samantala, patuloy pa din ang kanilang samahan sa paghihikayat na hindi tumungo sa pakikipagdigmaan, bagkus, protektahan ang likas na yaman para sa interes ng sambayanang Pilipino.
At idaan sa proseso ng batas sa pagharap ng mga sumubok na sirain ito.