DAGUPAN CITY-
Pinaglalamayan na ang labi ni Jesus Lopez, ang isa sa mga tubong Pangasinan na nasawi sa bansang Kuwait, sa kanilang tahanan sa Brgy. Barabac, sa bayan ng Umingan.
Ang labi nito ay naiuwi na kahapon at naayos na din ito sa kanilang tahanan.
Nagpaabot na ng tulong ang Pamahalaang Lokal ng Umingan para sa naulilang pamilya ni Lopez.
Pumunta din si Fernando Cruz, Presidente ng Association of Barangay Captain, kasama si Councilor Jonathan Navalta upang magpaabot ng tulong sa mga ito.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kanya, nabanggit umano ng misis ni Lopez sa kanilang pag-uusap kanina na talagang nahihirapan ito sa sinapit ng asawa dahil siya lamang ang bumubuhay sa pamilya nito.
Aniya na nag-abot sila ng kaunting tulong pinansyal dito at tinitiyak nila na may mga tulong pa silang maiaabot dito lalo na sa mga anak na naiwan.
Sa kabilang banda, nagbahagi naman si Umingan Mayor Michael Carleone Cruz na mabibigyan ng suporta sa pag-aaral ng kanyang 3 anak at livelihood program sa 2 na anak nitong may asawa na at sa misis nito upang kahit mabigyan ng suporta ang kanilang pagbangon mula sa pangyayari.
Personal naman tutungo ang alkalde sa tahanan ng mga naulila upang magpaabot ng taos pusong pakikiramay at makausap sila.
Ibibigay umano ng kanilang LGU ang kanilang tulong at nanawagan pa ito sa kanilang nasasakupan ng taos-pusong tulong.