BOMBO DAGUPAN — Hindi nagtutugma.
Ito ang binigyang-diin ni Federation of Free Farmers National Chairman Leonardo Montemayor kaugnay sa mga espekulasyon na napupulitika ang database ng Department of Agriculture.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na may mga pagkakataon kung saan magkakaiba ang datos ng ahensya kumpara sa datos ng ibang ahensya ng pamahalaan, gaya na lamang ng Philippine Statistics Authority.
Aniya na ito ay hindi mabuti sa mga susunod na magiging aksyon ng DA, dahil kung ang hawak at ilalabas nilang datos ay taliwas sa opisyal na datos na manggagaling sa PSA ay magdadalawang-isip ang nasabing ahensya bago sila makagawa ng aksyon.
Saad nito na bagamat hindi nito masasabi na napupulitika ang datos ng kagawaran ay may mga ulat na kung hindi naman sumasang-ayon ang ilang mga benepisyaryo sa pamamalakad ng mga local agriculturists sa isang lugar ay nahihirapan umano sila magpalista.
Ito naman marahil ang nagbibigay ng political color sa nasabing usapin.
Samantala, ikinababahala naman nila ang datos ng PSA na nagpapakita ng pagtaas ng imbentaryo ng bigas sa bansa na umabot na sa 2.8-milyong metrikong tonelada sa kabuuang rice stocks, as of May 1, 2024.
Saad nito na ang naturang datos ang nagpapakita ng volume na inangkat na ng Pilipinas noong nakaraang buwan.
Ito naman aniya ay maituturing na ‘record’ kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ito aniya ay sa kabila ng mga ulat na mayroon pang mga magsasaka ang umaani ng kanilang mga tanim na palay na binibili mula sa kanila sa bagsak na halaga.
Dagdag pa nito na nakakabahala rin ang projection ng United States Department of Agriculture (USDA) na maaaring umabot sahalos 5-milyong metrikong tonelada ng bigas ang aangkatin ng Pilipinas hanggang sa katapusan ng taon.
At sa gitna naman ng pagpapababa ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa taripa ng bigas ay lalong maeengganyo aniya ang mga importer na magpasok ng bigas sa bansa.