BOMBO DAGUPAN – “Mahusay na pasahod, katiyakan sa paggawa, pagrespeto na maging regular sa trabaho, pag-tigil sa pag-take at hayaan na makapag-organisa.”

Ilan lamang yan sa binigyang diin ni Elmer Labog Chairman, Kilusang Mayo Uno sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan.

Aniya na dahil sa hindi pagsakatuparan ng gobyerno sa rekomendasyon ng International Labor Organization (ILO) ay naging dahilan ito upang mapabilang tayo sa top 10 worst countries for workers.

--Ads--

Kaugnay nito ay ang tumitinding violations sa karapatan ng mga manggagawa kabilang na rito ang pagpaslang sa mga trade union leaders na umabot na sa 72 ang kabuuang bilang mula noong taong 2016.

Dapat aniya ay magkaroon ng kalayaan ang mga manggagawa na magtayo at mag-organisa ng union kabilang na rin ang makatotohanan na pagbibigay ng katarungan sa 72 na mga manggagawa na ipinipilit ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi labor-related gayong malinaw na may kaugnayan ito dito.

Ibinahagi din ni Labog na isa sa miyembro ng kanilang grupo ang nakidnap at hanggang ngayon ay hindi parin natatagpuan. Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng kasalukuyang dinaranas ng ating mga manggagawang pilipino.

Samantala, kabilang naman sa mga nakasali sa listahan ng top 10 worst countries ay ang bansang Saudi Arabia, Iran, Switzerland, Australia at iba pa na ibinase sa pandaigdigang sukatan sa kalagayan ng mga manggagawa ang naging basehan sa nasabing listahan.

Binigyang diin din ni Labog na kayang mabago ang ratings ng bansa kapag maisagawa at masunod ang rekomendasyon ng ILO.