BOMBO DAGUPAN – Mula nang ipanganak si Laurence Van Wassenhove ng France, taglay na niya ang sakit na hemiplegic.

Mayroon siyang partial paralysis sa mukha, maging sa kanyang paa at kamay at epileptic din siya.

Gayunpaman, nakatapos si Laurence ng pag-aaral at noong 1993, ay na-recruit siya ng France Telecom.

--Ads--

Alam ng company ang medical condition ni Laurence, at binigyan siya ng trabaho na angkop sa kanyang pisikal na kakayahan.

Bilang empleyada, nagtrabaho siya bilang secretary, at naging part din ng Human Resource Department.

Pagsapit ng 2002, hiniling ni Laurence sa bagong management na ilipat siya sa ibang region ng France.

Kinumpirma sa isang occupational medicine report na ang posisyon ni Laurence ay hindi niya kayang gampanan.

Dahil dito, hindi na siya binigyan ng Orange ng anumang tasks simula noong 2004.

Mas pinili ng kumpanya na pasuwelduhin nang buo ang empleyada sa loob ng sumunod na 20 taon kahit wala siyang ginagawa sa opisina sa kabila ng kanyang pakiusap na bigyan siya ng mga gagawin.

Noong 2015, pormal na ipinaabot ni Laurence sa management ang kanyang mga hinaing sa kanyang sitwasyon sa opisina.

Bukod sa wala siyang workspace, wala rin siyang tasks.

Hindi siya pinaa-attend sa anumang meeting, at wala ring professional emails.

Nagtalaga ang Orange ng mediator para maresolba ang sitwasyon sa pagitan ng kumpanya at ni Laurence.

Pero walang nangyari at nagpatuloy lang ang Orange sa pagpapasahod sa kanya kahit maghapon lang siyang nakatunganga sa opisina.

Nagsampa na si Laurence ng reklamo laban sa kumpanya at sa apat na managers nito .

Katwiran naman ng Orange na ginawa lahat ng kumpanya ang makakaya nito para lang matiyak na nasa pinakamaayos na kondisyon si Laurence sa kanyang trabaho.

Ikinonsidera rin ang occupational medicine report na hindi siya fit to work kaya hindi na binigyan ng anumang tasks.

Sa kasalukuyan ay dinidinig pa rin ang pambihirang labor dispute na ito.