BOMBO DAGUPAN – Hinatulan ng guilty ng Caloocan City Regional Trial Court ang apat na pulis na sangkot sa pagpatay sa mag-ama noong 2016.
Nahaharap sa sampung taon na kulong sina Police Master Sergeant Virgilio Servantes, Police Corporals Arnel De Guzman, Johnston Alacre, at Argemio Saguros Jr. dahil sa kasong homicide.
Magbabayad din ang mga ito ng P400,000 bilang danyos sa naiwang pamilya ng mga biktima.
Batay sa official records, sinugod ng apat na miyembro ng Caloocan police sa bahay nina Luis Bonfacio at anak nitong si Gabriel noong September 15, 2016, bilang bahagi ng ‘oplan tokhang’ sa kasagsagan ng kampanya kontra iligal na droga.
Ayon naman kay Mary Ann Domingo, lumuhod pa ang kaniyang asawang si Luis sa mga pulis habang nakatutok ang baril sa kaniyang ulo.
Samantala, kinaladkad naman daw sila at ang iba pa nilang anak palabas ng bahay at dinala sa isang van nang marinig ang putok ng baril mula sa loob ng kanilang tinitirhan.
Sinasabing nanlaban umano ang dahilan ng mga pulis kaya nila binarily ang mag-ama.
Matapos ang insidente, inireklamo ang mga pulis ng murder pero ibinaba ito sa kasong homicide.