BOMBO DAGUPAN – Nakatanggap ng tulong ang mga pamilyang apektado sa nangyaring sunog sa Barangay Caranglaan sa lungsod ng Dagupan.
Matatandaan na umabot sa 11 na kabahayan ang nasunog sa Sitio Maharlika Riles sa barangay Caranglaan dito sa lungsod kung saan 21 na pamilya ang apektado at 69 na mga indibidwal.
Ayon kay Gregorio Claveria Jr. Punong Barangay ng Barangay Caranglaan sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan, wala namang nasaktan o nasugatan sa nasabing sunog dahil agad silang nailikas at gumawa agad ng aksyon ang alkalde ng lungsod katuwang ang barangay councils upang madala sila sa evacuation center.
Sa kasalukuyan ay patuloy parin na inaasikaso ang pangangailangan ng mga ito gaya na lamang ng pagkain, damit, tubig at iba pa.
Pagbabahagi naman ng isa sa mga nasunugan na si Glenn Beton, may-ari ng bahay na pinagmulan ng apoy na napakasakit daw ng nangyari dahil wala siyang nagawa dahil nasa trabaho siya nang kasagsagagan ng sunog kaya wala silang naisalba na gamit.
Bumalik pa rin sa kanilang tahanan sa pag asang may natira pa sa kanilang mga gamit na pwedeng mapakinabangan.
Ayon pa sa isa sa mga nasunugan na si Jessie Cabañez, may-ari ng bahay na may pumutok na motor na papunta sila sa simbahan sa oras na iyon hanggang sa tumawag na lamang ang kaniyang manugang na sunog na daw ang bahay nila. Dali-dali namang nagmotor ang kanyang anak upang ito ay matingnan ngunit pagdating niya ay sunog na ito. Aniya na tumawid ang apoy sa may pagitan sa kanilang bahay kung saan natamaan ang kanilang motor na siyang nagdulot ng pagsabog nito. Marami ring mga gamit na accessories ng motor at mga damit na naipon nila para sana ipamigay ang nasunog.
Samantala, ayon naman kay Aida Benghit, kapitbahay ng mga nasunogan, habang lumalaki na apoy ay agad itong tumakbo para ilikas ang kanyang mga anak .
Aniya na matagal na siyang nakatira doon ngunit ngayon lang nangyari ang ganoong insidente.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang tulong na ipinabaabot ng lokal na pamahalaan ng lungsod at nagpaalala naman si Punong Barangay Gregorio Claveria Jr. na ugaliing mag-ingat lalo na kung lalabas ng bahay ay dapat wag mag-iwan ng nakasaksak sa saksakan ng kuryente gayundin ang mga ginagamit na posporo ay ilagay sa mataas na lalagyan para hindi maabot ng bata. Ugaliin ding maging alerto at mapagmatiyag sa kapaligiran.