Labis ang pagdadalamhati ngayon ng mga magulang ng 43-anyos na enhinyero na tubong barangay Talogtog, Mangaldan, Pangasinan na kabilang sa mga nasawi sa nangyaring sunog sa Kuwait
Ayon kay Juanito Petilla at Rebecca Petilla, Ama at Ina ni , 43-anyos sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, hindi nila sukat akalain ang ganitong sitwasyon na mangyayari sa kanya.
Saad nito na noong nabalitaan nila na may nangyaring sunog sa lugar ng kanilang anak ay hindi pa sila nagreact dahil hindi pa kumpirmado sa kanilang contact doon kung kasali ang anak nila sa listahan ng nakukumpirmang nasawi kaya pinagdarasal nila na sana ay buhay ito.
Ngunit nang makumpirma ng bandang ala-una na isa ito sa nasawi ay bumuhos na ang mga luha ng paghihinagpis.
Kaugnay nito, ang huling usap umano nila sa kanilang anak ay noong June 7 kung saan tinatanong kung ano ang kinain o inulam nila ngunit hindi nila inasahan na iyon na pala ang huli nilang pag-uusap ng kanilang minamahal na anak.
Ani Petilla, kung sino pa ang mabait ay talagang maikli ang buhay kaya kung makukuha lang umano sa pakiusap ay siya na lamang sana ang nawala dahil ang anak niya ay marami pang magagawa lalo na sa pamilya nito.
Pagbabahagi nila na hindi matatawaran umano ang kabaitan ng anak kung saan masasabing maalalahanin, mapagmahal, masayahin at walang kabisyo-bisyo.
Pang-anim sa 7 magkakapatid si Engr. Edwin kung saan 4 na babae habang 3 naman ang lalaki.
Matatandaan na nasa higit 50 ang napaulat na nasawi kabilang ang 3 pinoy na nagtatrabaho sa Manggaf Kuwait City dahil sa nangyaring malaking sunog noong madaling araw ng Hunyo 12.
Hinihinalang nasuffocate ang mga ito dahil sa makapal na usok kung saan ang iba dito ay natutulog pa kaya hindi agad nakaligtas ang mga ito.