BOMBO DAGUPAN — Masayang masaya ang maraming Israeli.
Ganito isinalarawan ni Bombo International News Correspondent Shay Kabayan ang sitwasyon sa Israel matapos ang pagkakasagip sa 4 sa daan-daang mga Israelitang bihag ng Hamas.
Gayunpaman aniya ay hindi pa rin nawawala sa kanila ang lungkot dahil nananatiling maraming bihag ang hawak-hawak ng Hamas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na ikinalulungkot pa ng marami na sa kabila ng sitwasyon ay lalong iginigiit ng militanteng grupo na may kapalit ang pagpapalaya ng bawat bihag.
Partikular na nga rito ang pagpapalaya rin ng mga Palestino na nakakulong naman sa Israel.
Saad naman nito na ginagawan ng paraan ng military ng Israel sa abot ng kanilang makakaya ang pagbawi sa mga bihag pa ng Hamas at maibalik sila sa kanilang bansa.
Dagdag pa nito na dahil sa kaguluhang sinimulan ng Hamas ay maraming nadadamay na mga inosenteng sibilyan.
Kaugnay nito ay nananatili namang malabong magkaroon ng kasunduan sa pagitan ng dalawang panig para sa panibagong ceasefire deal.
Sa kabila nito ay naniniwala naman ang Israel Defense Forces na magtatagumpay naman sila para sa pagsagip sa mga natitira pang bihag sa pangangalaga ng Hamas.
Samantala, maayos naman aniya ang sitwasyon ngayon sa Israel hindi tulad nang unang sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng bansa at ng naturang grupo kung saan ay araw-araw at gabi-gabi silang pinapaliparan ng mga rocket at missiles.