BOMBO DAGUPAN- Malugod na tinatanggap ng Federation of Free Workers ang kautusan ni Department of Labor and Employment Sec. Bienvenido Laguesma sa mga employers na sundin ang pay rules sa darating na holiday.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Sonny Matula, Presidente ng Federation of Free Workers, nararapat lamang na matanggap ng mga empleyado ang 200% na sahod tuwing pagtatrabaho nila sa regular holiday.
Kaya hinihikayat din ng kanilang samahan na sundin ito ng mga employers upang mabigyan ng kahalagahan ang karapatan ng mga manggagawa.
Matatandaan na nakasaad Labour Advisory No.27, Series of 2023 ng DOLE ang pagkakaroon ng double pay sa sahod ng mga manggagawang magtatrabaho sa araw ng regular holiday.
Karagdagang 30% ng kanilang basic wage para sa magtatrabaho sa araw ng special non-working days.
Nakalinya din sa derektiba ng Proclamation no,368, Series of 2023 na pasok sa regular holidays ang nalalapit na Independence Day, June 12.
Sa kabilang dako, itinataas pa din ng FFF ang pagtutok ng DOLE sa pagsasawata ng malawakang kontraktwalisasyon.
Para kase kay Matula, salungat ito sa batas na nagbibigay ng kasiguraduhan sa trabaho.