DAGUPAN CITY — Iginiit ng dalawang 7 Majority Councilors ng Dagupan City na kinakailangan munang hintayin ang desisyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung nararapat nga bang italaga bilang Chairman ng Youth Affairs and Sports Committee si Sangguniang Kabataan Federation President Bradley Benavides.

Sa kanyang mensahe sa naganap na sesyon ng Sangguniang Panlungsod, sinabi ni Councilor Alipio Serafin Fernandez na bukas ang kanilang grupo sa paglalatag ng mosyon kaugnay sa kwalipikasyon ni SK President Benavides na maupo bilang Chairman ng nasabing kumite.

Gayunpaman ay mas mainam aniya na hintayin muna ang ilalabas na desisyon ng DILG kaugnay nito.

--Ads--

Sinabi naman ni Councilor Red Erfe Mejia na ang nasabing mosyon ay tumatawag ng pansin kay Benavides upang umattend sa isasagawang pagdinig na may kaugnayan naman sa isyu nito na pagsalungat sa dapat na ilalaang pondo para sa Sangguniang Kabataan sa lungsod ng Dagupan.

Samantala, nanindigan naman si Sangguniang Kabataan President Bradley Benavides na wala itong nakikitang anumang rason upang patagalin pa ang ibibigay umano sa kanya na pwesto dahil malinaw umano itong nakasaad sa batas.

Para naman kina Councilors Michael Fernandez at Dennis Canto ay nararapat lamang na ang SK Chairman ng bawat barangay sa lungsod ang naglilingkod bilang Chairperson ng Sangguniang Barangay Committee on Youth and Sports Development. Anila na wala ng kinakailangan pang kwestiyunin tungkol dito.

Wala rin kasi anilang ibinibigay ang 7 Majority Councilors na dokumento na nagpapakitang hindi ito naaayon sa batas kaya hindi na kinakailangan pa ang anumang pagdinig kaugnay nito.