BOMBO DAGUPAN – “Napakaliit na nga ng ating bansa, liliit pa ang ating karagatan.”
Yan ang ibinahagi ni Fernando Hicap, Chairperson Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya (PAMALAKAYA) sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kanya ukol sa fishing ban na ipinatupad ng China.
Aniya na isa sa pinakamayaman na pinagkukunan ng mga isda ang ating nasasakupang karagatan kaya’t kapag nawala ito ay magiging malaki ang epekto nito sa ating kabuhayan lalo na sa ating mga mangingisda.
Kaugnay nito ay sinabi niya na walang batas na pagbabatayan ang China na magpatupad ng patakaran o direktiba na manghuli sa tinatawag nilang “trespassers” sa kanilang teritoryo. Dahil una sa lahat ay wala silang hurisdiksyon at malinaw na ito ay paglabag sa UNCLOS at arbitral ruling na kumikilala sa ating karapatan sa West Philippine Sea.
Dagdag pa niya na wala itong legal na batayan kaya’t marapat lamang na ibasura. Sumang-ayon din siya sa naging pahayag ni President Bongbong Marcos Jr. na dugo at buhay natin ang West Philipine Sea.
Pinaalalahanan niya din ang lahat lalo na ang ating mga mangingisda na huwag matakot sa pangsisindak ng China at marapat lamang na igiit ang ating karapatan.
Dapat ay magkaroon tayo ng malaya at ligtas na pangingisda at huwag nating payagan na isurender ang kahit katiting na parte ng ating nasasakupang karagatan.