Dagupan City – Maaring magresulta sa higit 100 taong pagkakakulong ang naging hatol kay dating US President Donald Trump.
Ito ang binigayang diin ni Professor Gabriel Ortigoza, Bombo International News Correspondent sa USA sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa ulat na paghatol ng 34 counts kay Trump ng Manhattan Jury dahil umano sa pamemeke ng business records sa kaninyang hush money criminal trial.
Dahil dito, si Trump ang kauna-unahang naging presidente ng Estados Unidos na nahatulan ng felony.
Ayon kay Ortigoza, marami ang nagulat sa nasabing hatol, ngunit marami na rin ang nagdesisyong talikuran na lamang ang dating presidente dahil sa kaniyang mga kasong kinakaharap.
Matatandaan aniya na taong 2016 nang mangyari umano ang ulat patungkol sa kaso ngunit natalo niya si American lawyer and politician Hillary Clinton, kung kaya’t hindi na muli itong naitala, hanggang sa maihalal na si US President Jose Biden at doon na muling inilakad ang kaso nito.
Nilinaw naman ni Ortigoza na ang nangyayaring paghatol kay Trump ay walang anumang bahid ng pulitika at kinakailangan lamang nitong harapin ang mga kaso kung ito man ay napatunayang kaniya ngang ginawa.
Samantala, ayon naman kay Estados Unidos Bombo International News Correspondent Rufino ‘Pinoy’ Gonzales, na maituturing na “blessing” ito sa panig ni Trump dahil inulan pa umano ito ng suporta.
Sa katunayan aniya, mismong ang star witness ni trump na si Michael Cohen ay taliwas at hindi nagtutugma ang kaniyang sinasabi.
Kung kaya’t sa darating na hulyo 11, 2024, inaasahan ng mga republican na papanig ang korte kay trump at mapapawalang bisa ang kasong kaniyang kinakaharap.