BOMBO DAGUPAN – Nasawi ang 39-anyos na lalaki matapos makuryente sa Brgy. Dinalaoan sa bayan ng Calasiao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Gemma Lafiguera, may-ari ng bahay kung saan nangyari ang insidente na nagpapapintura siya ng bubong ng kanilang bahay kung saan dalawang araw na itong ginagawa ng kanyang kapatid at isa pang kasama nito.
Hindi aniya inasahan na ang biktima ay pupunta doon at tutulong sa pagpipintor ng bubong, hanggang sa umambon bandang alas 3 hanggang alas 4 ng hapon ay agad silang pinababa ng may-ari ng bahay ngunit sa kasawiang palad matapos balikan ng isa nilang kasamahan ang mga gamit sa bubong ay sumunod ang biktima kung saan ay hinihinalang nadulas ito at nahawakan ang kable ng kuryente.
Kinilala naman ang biktima na si Rodolfo “Rudy” Paragas isang construction worker at residente sa nasabing barangay.
Ayon naman kay Vicente Lafiguera na amo ng biktima at kapatid naman ng may-ari ng bahay na pagka-uwe niya sa kanilang barangay galing sa trabaho ay naabutan pa niya ang insidente kaya agad naman itong nagresponde at tumawag ng mga makakatulong sa kanila kung saan naisugod nila sa Pangasinan Provincial Hospital sa Bolingit San Carlos City.
Samantala, ayon naman kay Pcpt. Anthony Doctolero Deputy Chief of Police, Calasiao Municipal Police Station ay alas 4 ng hapon ng maireport sa kanila ang insidente kung saan nagtamo ng iba’t ibang sunog sa katawan ang biktima lalo sa may dibdib at braso. Naitakbo pa naman ng buhay sa ospital ang biktima ngunit kalaunay binawian din ng buhay.
Nagpaalala naman si Doctolero na laging unahin ang kaligtasan at siguruhing laging may suot na complete protective gear.