DAGUPAN CITY — Inihayag ng isang punong guro sa lungsod ng Dagupan na mahigpit nilang sinusunod ang mandato ng Department of Education kaugnay sa petsa ng graduation at moving-up ceremony ng mga mag-aaral.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ibinahagi ni Renato Santillan, Principal ng Judge Jose de Venecia Sr. Technical-Vocational Secondary School na natapos na nilang isagawa ang kanilang Recognition Day kahapon, May 28, habang gaganapin naman ngayong umaga ang kanilang Moving Up Ceremony at mamayang hapon naman ang kanilang Graduation Ceremony.

Aniya na maganda naman ang naging takbo ng kanilang programa kahapon dahil nagsimula ito sa tamang oras matapos ang ginanap na Baccalaureate Mass.

--Ads--

Saad nito na dahil indoors ang pinagganapan at paggaganapan ng mga nasabing seremonya ay nakatitiyak ito na komportable ang mga mag-aaral at gayon na rin ang kani-kanilang mga magulang.

Kaugnay nito ay mahigpit din nilang sinusunod ang No Collection Policy ngunit nagkaroon aniya ng pagpupulong ang Parents-Teachers Association para sa isang resolusyon na magkaroon ng yearbook ang mga mag-aaral.

Gayunpaman, nasa mga magulang na umano ng mga mag-aaral kung nais na na kumuha nito para sa kanilang mga anak.

Samantala, tinitingnan naman nila sa kasalukuyan ang magiging sistema ng pasukan para sa susunod na taong panuruan lalo na ngayong papasok ang panahon ng tag-ulan.

Aniya na bagamat hindi nababaha ang kanilang paaralan ay inaayos naman nila ang mga bubong ng kanilang mga gusali upang makita kung mayroong pagtagas sa mga ito.