BOMBO DAGUPAN – Ipapatawag ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan ang mga opisyales ng Urdaneta City, DPWH, at ilan pang concerned agencies kaugnay sa mga serye ng road accident sa bypass road sa lungsod ng Urdaneta.
Sa naganap na session sa Sangguniang Panlalawigan sinabi ni Rosary Gracia Perez-Tababa na, Board Member 5th-District of Pangasinan, na kasalukuyan ginagamit sa mga illegal drag races ang daan kung saan ay may naitatalang aksidente kada linggo at di umano’y nasa impluwensiya pa ng alak ang mga ito.
Kaugnay nito ay inimbitahan niya rin ang 8 mga barangay kabilang na ang Nancayasan, Sto.Domingo, Nancamarilan East, Mabanogbog, San Vicente, Camantiles, Anonas at Santa Lucia para sa gaganaping session.
Samantala, ay nabanggit niya din na ito na ang tamang oras upang magkaroon ng traffic ordinance, program at traffic devices lalo na at walang speed limit sa nasabing area.
Ang bypass road nga sa lungsod ay nagsisilbing road network upang mas mapadali at mapabilis ang pagbyahe sa lalawigan gayundin sa mga kalapit na mga lugar.