Dagupan City – Nanawagan ng tulong ang Brgy. Captain ng Poblacion East sa bayan ng Calasiao upang mabigyan na ng barikada ang ilog kung saan naitala ang pagkasawi ng 12-anyos na mag-aaral.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Poblacion East Brgy. Captain Marivic J. Estrada, nagiging delikado na ang ilog na pinanbyarihan ng insidente kung kaya’t nababahala ito na baka may mga residente pang maligo sa nasabing ilog.
Sa tala nito magmula nang maupo siya sa pwesto, ito pa lang ang unang pagkakataon na may nalunod sa kanilang lugar.
Labis naman ang pagdadalamhati ni Mary Grace De Guzman, ina ng biktimang kinilalang si Jamilla dahil sa sinapit ng anak.
Aniya, nasa trabaho ito nang mangyari ang trahedya, hindi rin aniya marunong lumangoy ang kaniyang anak kung kaya’t isa ito sa nakikitang dahilan ng kaniyang pagkasawi.
Base naman sa kwento ni Juvy De Vera, May-ari ng bahay sa tabing ilog, nagulat na lamang din ito nang may mga nagsasabi na malapit sa kanila na may nalulunod sa kanilang lugar.
Agad naman niya itong pinuntahan at nakitang siubukan pa umano siyang isalba ng tiyuhin ng biktima ngunit bumulagtad na lamang ang biktima na wala ng buhay.
Kwento pa nito, naliligo pa umano sila sa nasabing ilog noon dahil medyo mababaw at malinis pa umano ang ilog ngunit nang may naitala nang nangyaring pagkalunod, hindi na nila tinangka pa upang makaiwas sa anumang trahedyang mangyari.