BOMBO DAGUPAN – Walang karapatan ang China o anumang bansa na manghuli ng mangingisda sa hindi naman nila teritoryo.
Yan ang pagbabahagi ni Fernando Hicap Chairperson, Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakanya ukol sa banta ng china na ide-detain ang mga “trespassers” sa tinutukoy nilang “borders” sa loob ng 60 araw.
Ani Hicap ay kapag nanghuli ang nasabing bansa ng ating mga mangingisda ay malinaw na ilegal na pag-aresto ito dahil wala silang karapatan.
Kaugnay nito dapat daw aniya ay nagtayo na tayo ng mga permanenteng istruktura o boundaries na automatikong kapag pumasok sila sa ating territorial water ay dapat na huliin. Bagama’t napakalaki ng epekto ng pangigiit ng China sa ating mga mangingisda dahilan para ang halos 70 porsyento ng kanilang kinikita ay nawala na.
Dagdag pa niya nagsimula na magkaroon ng presensiya ang China noong administrasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo at lalo pang lumakas ito noong panahon naman ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, nanawagan naman siya sa pamahalaan na dapat igiit ang ating karapatan at tiyaking napapatupad ang batas upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga mangingisda.
Marapat din aniya na mapayapang lutasin ang mga ganitong usapin at ang arbitral ruling ay dapat na kilalanin.