DAGUPAN CITY — Hinihintay na lamang ng Land Transportation Office Dagupan City ang magiging kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Dagupan City kaugnay sa kanilang magiging hakbangin laban sa mga unconsolidated jeepneys na gumagamit pa rin ng pampublikong kalsada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Romel Dawaton, District Chief ng LTO Dagupan City, sinabi nito na wala pa namang inilalabas na kautusan ang LTFRB.
Aniya na sa kasalukuyan ay marami pa rin ang mga nagpaparehistro na mga Public Utility Jeepneys at nakikita naman aniya nila sa kanilang mga dokumento galing sa kanilang mga franchise na meron silang extension.
Hindi naman nila ito nakikitaan ng problema.
Habang fully complied naman aniya ang mga individual operators at drivers sa lungsod ng Dagupan sa programa ng pamahalaan.
Kasabay nito ay bineberipika naman ng kanilang tanggapan ang mga prangkisa ng mga ito upang makita kung valid pa ang kanilang mga dokumento at road-worthy ang kanilang mga sasakyan nang sa gayon ay hindi sila maituring na kolorum.
Samantala, nanawagan naman ito sa publiko lalo na sa mga hindi pa nakakapag-claim ng kanilang driver’s license cards ay ongoing naman ang proseso sa pagkuha ng mga ito.
Pinaalalahanan din nito ang mga motorista na kung saang opisina sila nagpa-renew ng kanilang lisensya ay doon din lamang nila ito maaaring i-claim.