Dagupan City – Nakatakdang magsagawa ang Regional Office Overseas Worker Welfare Administration o OWWA ng Information-Dissemination Program sa darating na Hunyo 21, 2024 sa munisipyo ng Manaoag patungkol sa mga talakayan na nauugnay sa kanilang mga ginagawa sa ahensya.

Isang hakbang ang ganitong gawain sa mga residente ng nasabing bayan upang mas maunawaan at malaman ang mga maaring maibigay na tulong sa mga Overseas Filipino Workers na nakapagpamiyembro dito o magiging miyembro pa nito sa kasalukuyan.

Kaugnay nito, naging matagumpay ang isinagawang paglagda ng Memorandum Of Agreement kamakailan sa pagitan ng Local Government Unit ng Manaoag na pinamumunuan ni Mayor Jeremy ‘Ming’ Rosario at ng Overseas Workers Welfare Administration Regional Director Gerardo C. Rimorin.

--Ads--

Layunin nitong mapahusay ang mga sistema ng pagsuporta sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at upang makapagtatag din sila ng Migrant Workers Desk na siyang titiyak sa kapakanan at proteksyon sa paglalakbay sa ibang bansa ng mga ManaoagueƱo upang magtrabaho doon.

Sinaksihan ito ng ilan pang dumalo na kawani ng ahensya at mga miyembro ng asosasyon na kabilang sa ganitong usapin na nagpapatunay na isa itong magandang hakbangin para mas mabilis ang pag-abot, paghingi at paghahatid ng tulong sa mga kapwa Pilipino na nangangailangan sa karatig na bansa.