Dagupan City – Saan mo unang hahanapin ang nawawalang pamilya mo?
Kakaiba kasi ang nangyari sa naging viral sa social media na kinilalang si Omar bin Omran kung saan, ayon sa ulat ay bigla na lamang itong nawala at hindi umuwi sa kanilang tahanan sa Djelfa, Algeria noong 1990s.
Kung kaya’t ang buong akala ng kanyang pamilya at mga kaibigan ay kasama siya sa nasa tinatayang 200,000 kataong namatay sa kanilang lugar.
Ayon sa pamilya ni Omar, 17 years old pa lang siya noon, dahil kasagsagan ng civil war sa naturang North African country, napagdesisyunan na lamang nilang tumigil sa paghahanap sa kanya.
Ngunit sa kabila nito ramdam pa rin daw ng ina nito na buhay pa ang anak. Kung kaya’t taong 2024 ay laking gulat na lamang ng kapamilya ni Omar nang isang kapitbahay nila ang nag-post sa social media na buhay pa siya.
Ayon sa nag-post, sangkot ang kapatid nito sa pag-kidnap kay Omar. Napag-alaman ding itinatago si Omar ng kapatid ng kapitbahay nila sa bahay nito na halos 200 metro lang ang layo mula sa mismong bahay nina Omar. Agad namang nagsumbong ang pamilya ni Omar sa mga awtoridad, na agad ding nilusob ang bahay na tinukoy sa post.
Sa video footage na ibinahagi sa social media at Algerian television networks, makikita ang mismong sandali nang makita si Omar sa isang tila hukay sa lupa.
Kinalaunan, kinumpirma naman ng mga doktor na tumingin sa kanya na hindi maganda ang kondisyon ng kanyang kalusugan.
Iniulat naman ng Public Prosecutor’s Office na agad siyang isasailalim sa medical and psychological treatment bago simulan ang imbestigasyon kung bakit siya dinukot ng kanyang kapitbahay.
Lumalabas naman na dahil hindi sila magkasundo, nagpasya ang isa na ibunyag ang lihim ng kapatid na sa loob ng 30 taon ay matagumpay na naitago ang ginawang krimen.