BOMBO DAGUPAN — Mahigpit na tinututukan ngayon ng Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) Region I ang paglulunsad ng mga programang tututok sa pagbawas ng mga naitatalang aksidente sa kalsada.
Sa isang press conference, inihayag ni Dr. Paula Paz Sydionco, Regional Director ng nasabing tanggapan, na marami ang naitatalang mga kaswalidad sa lalawigan na may kaugnayan sa vehicular traffic incidents.
Pagbabahagi nito na noon lamang nakaraang taon ay nakapagtala ang lalawigan ng 207 mga pagkasawi dahil sa aksidente sa kalsada kumpara sa death rate na 6.7%
Aniya na nilalayon nila na maisakatuparan ang “No Traffic Deaths” pagsapit ng taong 2028 kaya naman ay puspusan nilang tututukan ang paglalatag ng mga interbensyon sa pagpapaalala sa publiko lalong lalo na sa mga motorista ng lubos na pag-iingat.
Kaya naman ay nakikipag-ugnayan sila ngayon sa iba’t ibang mga sektor ng mga bayan, lungsod, at bawat barangay sa lalawigan upang matukoy ang mga salik na nakakaambag sa mataas na mortality rate sa aksidente sa kalsada.
Sa pamamagitan nito aniya ay mas mapapabilis ang pagbuo nila ng mga polisiya at mekanismo para mas mapabuti ang road traffic incident prevention.