BOMBO DAGUPAN – Ipinanganak si Kirsty Stroud sa Folkestone, England na may gastroschisis.

Malala ang medical condition na ito dahil ang kanyang mga bituka at kidneys ay nasa labas ng kanyang tiyan at malapit sa belly button o pusod.

Nang manganak kasi ang kanyang ina ay kinailangang sumailalim ito sa Caesarian operation para mailabas ang premature baby na si Kirsty.

--Ads--

Nailigtas ng mga doktor ang buhay ni Kirsty at ng kanyang ina, pero kinailangan din siyang operahan para maipasok sa loob ng tiyan ang kanyang mga bituka at kidneys.

Dahil doon, nawala ang kanyang pusod, at sa halip ay nagkaroon siya ng malaking peklat sa kanyang tiyan.

Habang lumalaki, tinawag si Kristy na “freak” dahil wala siyang pusod. Sa sobrang hiya, noong magdalaga na siya ay hindi siya nagsuot ng bikini o nagtatanggal ng pang-itaas kapag mayroon siyang gym class para walang makapansin na wala siyang pusod.

Pagbabalik-tanaw pa niya, hiyang-hiya raw siya noon dahil sa kanyang peklat.

Tanggap naman ni Kirsty na hindi na niya kayang baguhin ang nangyari, kaya imbes na magpadaig sa mga pangungutya, naglaan siya ng time and energy sa physical fitness.

Pagsapit niya sa edad na 25, sumali siya CrossFit kung saan dito ay natuto siyang umakyat gamit ang lubid nang mas mabilis.

Nag-improve din ang kanyang swimming ability at dahil inaabot ng apat hanggang limang oras ang kanyang training, kinailangan niya ng mas disiplinadong nutrisyon—na lalong nagpaganda sa kanyang built.

Nagsimula na rin siyang lumahok sa iba’t ibang fitness contests at nagwagi na sa Battle of Britain ng United Kingdom at sa CrossFit’s French Throwdown.

Gumawa siya ng OnlyFans account, kung saan ipinapakita niya ang maskuladong pangangatawan at tiyan na walang pusod sa mga miyembro ng platform na handang magbayad sa kanya ng cash.

Naging popular si Kirsty sa naturang platform hanggang sa kumikita siya ng halos US$40,000 kada buwan o PHP2,325,620.

Bukod pa rito ang iba pa niyang kinikita sa iba pang social-media platforms bilang fitness influencer.