BOMBO DAGUPAN – Labis na ikinatutuwa ng Gabriela Women’s Partylist ang pag-abot ng panukalang Absolute Divorce Bill sa ikatlo at huling pagdinig.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas, sinabi nito na bagamat matagal man ang naging proseso sa pagtutulak ng naturang panukala sa Senado ay ikinalulugod nito ang naging progreso nito.
Ito ay sa kabila naman ng halos magkadikit ng boto sa mga pumabor (126), sa mga hindi pumabor (109), at sa mga nag-abstain (20).
Aniya na kasunod ng pagkakapasa nito sa Lower House ay inaasahan nilang papaburan din ng Senado ang tuluyang pagpapasa nito.
Saad nito na ang mga bilang ng pumabor sa panukala ay repleksyon ng tinatawag na conscience vote batay na rin sa mga resulta ng survey na nagpapakita na nasa 70% ng mga Pilipino ang pumapabor sa diborsyo.
Kaugnay nito ay naniniwala naman ito na kinakailangang mag-double time ng Senado sa pagpapasa ng nasabing panukala lalo ngayong papalapit na ang 2025 mid-term elections.
Samantala, maituturing naman aniya ang kaganapan na ito bilang makasaysayan.