BOMBO DAGUPAN — Maaaring nasagad na nagbunga sa pagpapalit ng liderato sa Senado.

Ito marahil ang nakikitang dahilan ng isang abogado sa pagbaba sa pwesto ni dating Senate Pres. Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Francis Abril, Political Consultant, sinabi nito na maaaring ang mga magkakasunod na isyu sa Senado ang nagtulak sa Senador upang mag-resign bilang Senate President.

--Ads--

Ani Atty. Abril na nang umugong isinusulong na Charter Change noong Pebrero, ay kinutuban ito na sa oras na tumanggi ang liderato ng Senado ay hindi matutuwa ang mga kasamahan nito.

At nagkasunod sunod pa aniya ang iba’t ibang mga kontrobersiya gaya na lamang ng drug leaks, committee investigations, at ilan pang nagpatung-patong na mga isyu.

Saad nito na hindi maitatanggi na isa ang Charter Change sa naging rason ng kanyang pagbaba sa pwesto kung ang mapag-uusapan ay ang pagtupad sa mga instruksyon ng pamahalaan.

Gayunpaman, hindi pa rin maaaring isantabi ang mismong performance ni Sen. Zubiri na maaaring unsatisfactory na para sa kanyang mga kasamahan sa Senado.

Paglilinaw naman nito na may sariling mga alituntunin na sinusunod sa Senado. Bilang collegial o iisang grupo ang mga nakaupo sa pwesto, ay sila-sila rin ang may kapangyarihan na magtalaga sa mamumuno sa kanila at ang mga committee na bubuuin sa ilalim nito.

Dagdag pa nito na sa nangyari ay makikita ang “test of loyalty” gaya sa kahit na anong political angle o organisasyon.

Kaya naman kahit na hiwalay dapat ang Senado o ang Lehislatura mula sa Executive Department ay hindi maiiwasan na ang magkakaalyado ay hindi nagtutulungan lalo na kung ang mga desisyon ng Senate President ay salungat na sa pamahalaan.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Atty. Abril na kaakibat ng pagpapalit ng liderato ng Senado ay ang pagkakaroon ng kalayaan sa pag-organisa ng panibagong mga committee ang humalinhan dito.

Samantala, isinalarawan naman nito ang bagong Senate President na si Senator Francis “Chiz” Escudero bilang mapagkakatiwalaan, mahusay na abogado, at may malalim na karanasan sa pulitika.