BOMBO DAGUPAN – Hindi kuntento ang Sangguniang Bayan ng Mangaldan sa naging tugon ng Power distributor na Central Pangasinan Electtric Cooperative (CENPELCO) sa mga reklamo ng kanilang mga consumers
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, municipal Councilor sa bayan ng Mangaldan sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, isa isang sinagot ni Engr. Rodrigo Corpuz, general Manager ng CENPELCO ang mga tanong sa kanya sa ipinatawag na public hearing ng Sangginiang Bayan.
Kabilang sa mga tinanong kay Corpuz ay kung bakit mataas ang generation charge ng CENPELCO kumpara sa Dagupan Electric Corporation o DECORP. BIlang tugon ay mas mahal umano ang generation charge nila dahil sa nakakontrata sa mga power generators ng 10 taon mula 2014-2024. Malinaw ani Cera na wala silang alternative source of energy kumpara sa ibang power distributor .
Kinuwestyun din ni Cera kung bakit wala silang alternative power switch para maiwasan sana ang 12 oras na brownout sa tuwing may maintenance na nangyayari sa National Grid Corporation of the Philippines.
Dahil dito ang kanilang generator ay bumibigay, nasisira o sumasabog kaya nagkaka-brownout.
Giit ni Cera na dapat malayo pa ay napaghandaan na ang El NIno para hindi bumigay ang kanilang generator.
Nadeskubre rin umano ng Sangguniang Bayan na mayroong P500 million na pagkakautang ng CENPELCO at ayon naman sa kooperatiba ay mababayaran naman nila ito sa loob ng isang taon kung makakasingil sila sa lahat ng consumers.
Dagdag pa niya na matapos ang dayalogo nila kinagabihan ay nagpatay sindi ulit ang ilaw na sa tingin naman ng konsehal ay hindi naman sinasadya.
Pero hiniling niya na magawan ito ng paraan para hindi na paulit ulit na mangyayari.
Samantala, pinag aaralan na rin ng CENPELO na makipag kontrata sa ibang solar plant matapos ang taong ito.