Dagupan City – “Sino bang matinong Pilipino ang magsasabing haka-haka lang ang kahirapan sa bansa?”

Ito ang naging katanungan ni Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst, sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa umano’y pahayag ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na haka-haka lamang ang kahirapan sa Pilipinas.

Ayon kay Atty.Yusingco, kahit eyeball test o pagmumulat lamang ng mga mata sa paglabas sa mga eskinita ang gamitin ng kahit sinong tao ay malinaw na makikita ang kahirapan ng mga Pilipino.

--Ads--

Maski aniya statiska ay nagpapatunay na malawak ang kahirapan sa bansa. Kung kaya’t kataka-taka aniya kung bakit ganito ang naging pahayag ng Presidential Adviser for Poverty Alleviation. Malinaw na nagpapakita na hindi nito nagagampanan ng maayos ang kaniyang trabaho o hindi nito alam kung paano gampanan.

Kaugnay nito, nanawagan naman si Yusingco sa publiko partikular na ang mga botante, na bumoto ng tama at suriin din kung ang ibobotong presidente ay marunong pumili ng iloloklok sa mga pwesto ng mahahalagang departamento.